CENTRAL MINDANAO – Nahuli sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-BARMM) ang isang opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang suspek na si Lt. Col. Samsudin Pulua na nakatalaga sa Civil Military Operation (CMO) ng 6th Infantry (Kampilan) Division Philippine Army.

Ayon kay CIDG-BARMM regional director Col. James Gulmatico, tumanggap sila ng reklamo sa pangingikil umano ni Pulua sa mga nag-aaplay para pumasok na sundalo.

Agad isinagawa ang entrapment operation ng CIDG-BARMM at nahuli ang suspek habang tumatanggap ng pera malapit sa kanilang kampo sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Narekober sa pag-iingat ng suspek ang isang P500 bill at ang boodle money na abot sa P4,500.

-- Advertisement --

Sinabi naman ni Western Mindanao Command spokesman Major Arvin Encinas, bagamat nalulungkot sila sa pagkakasangkot ng isang opisyal ng militar pero patunay lamang anya ito na walang pinipili ang batas.

Sa ngayon ay nakapiit na sa costudial facility ng CIDG-BARMM ang suspek at patuloy na iniimbestigahan.