-- Advertisements --

Pinasinungalingan ni Arizona Rep. Junelle Cavero ang alegasyon na “paid protest” ang ikinasang “No Kings Protest” noong October 18, ang itinuturing na biggest single-day rally sa kasaysaysan ng Amerika.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, inihayag ng Arizona legislator na isa lamang itong paraan para manipulahin ang sitwasyon sa naturang bansa.

Aniya, imposibleng binayaran lamang ang nasa 7 milyong nakiisa sa malawakang protesta.

Sa naunang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, iniulat ni BINC USA Marissa Pascual na may ilang protester ang bayad umano kung saan inihalimbawa pa niya ang isang babaeng protester na namataan sa mga inilunsad na demonstrasyon sa iba’t ibang cities sa US gaya ng Chicago, New York, at California. Aniya, ang Democrats ang sinasabing may pasimuno umano sa malawakang protesta bilang pagtutol sa anila’y pag-abuso ni US President Donald Trump sa kaniyang kapangyarihan.

Matatandaan, malaking bilang ng mga protester ang nagmartsa sa malalaking cities at idinaos din ang maliliit na pagtitipon sa buong bansa para sa No Kings protests laban sa administrasyon ni Trump.

Kung saan ayon sa mga organizer, pumalo sa halos 7 milyong katao ang nakiisa sa mahigit 2,700 events may kaugnayan sa naturang protesta sa lahat ng 50 estado sa Amerika.

Natapos naman ang malawakang protesta nang mapayapa at walang mga naganap na pag-aresto.

Layunin ng mga demonstrador sa likod ng No Kings Protest na maipahayag ang kanilang galit laban sa mga polisiya ni Trump kabilang ang banta sa demokrasiya sa kanilang bansa dahil sa animo’y pagiging authoritarian o diktador na pamumuno ni Trump, gayundin ang isinasagawang raids ng mga opisyal ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) at pagdedeploy ng National Guards sa US cities at pagbawas ng pondo sa federal programs lalo na sa health care.