ILOILO CITY – Naglabas ng suspension order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa Vallacar Transit.

Ito ay kasunod ng pagkahulog ng Ceres Bus sa 50-talampakang bangin sa Brgy. Igbucagay, Hamtic, Antique na ikinasawi ng tatlong katao kabilang na ang bagong graduate na maritime student at ikinasugat ng pitong iba pa noong Abril 5.

Sa inilabas na utos ni LTFRB Region 6 Director Richard Osmeña, suspendido ng 30 araw ang biyahe ng lahat ng 10 mga bus na may rutang Iloilo City-Caticlan via San Jose vice versa.

Ang naturang suspensyon ay epektibo nitong Lunes matapos na isuko ng Vallacar Transit ang kanilang yellow plates at ipaharap sa LTFRB ang kanilang mga driver.

Inatasan naman ni Osmeña ang Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police-Traffic Management Group at iba pang traffic agenies na i-apprehend at i-impound ang Ceres Bus na may rutang Iloilo City-Caticlan sakaling mahuli na patuloy pa rin sa pagbiyahe.