-- Advertisements --

Inihayag ng legal counsel ng mga biktima ng umano’y extra judicial killings (EJK) sa ilalim ng war on drug na tinutulan ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ang request ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa interim release dahil binago ng defense team ang bansang pagdadalhan sa dating pangulo.

Kinumpirma ni Atty. Gilbert Andres na inisyal na napag-usapan ng mga prosecutor kasama ang mga abogado ng dating Pangulo ang member country ng ICC na tatanggap sa dating Pangulo sakaling payagan ang kaniyang pansamantalang paglaya.

Subalit sa aplikasyon ng kampo ng dating Pangulo, ibang bansa ang nakalagay. Hindi naman aniya maaaring pumayag ang prosekusyon nang advance sa kasunduan hanggang hindi nila ito nababasa.

Ipinaliwanag din ni Atty. Andres na tinutulan ng prosecutors ang interim release ng dating Pangulo sa proposed host country dahil sobrang time consuming at kumplikado para sa pagharap ng dating Pangulo sa korte dahil sa layo o distansiya ng naturang bansa mula sa The Netherlands, maliban pa sa ilang grounds na tinukoy ng prosekusyon para tutulan ang interim release ng dating Pangulo.

Samantala, nakatakda naman aniyang maghain ng mosyon ang panig ng mga biktima ng EJK para tutulan ang interim release ng dating Pangulo. Inaasahan aniya na maglalabas ng desisyon ang ICC sa huling linggo ng Agosto o unang linggo ng Setyembre.