-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Transportation sa GV Florida Transport matapos ang plano nitong kasuhan ng cybercrime ang netizen na nag-upload ng viral video ng umano’y karerahan ng kanilang mga bus sa national highway patungong Cagayan.

Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, malinaw na isang uri ng harassment ang banta ng kaso laban sa uploader.

Giit ni Dizon, kahit pa totoong fast forward ang video, malinaw pa rin ang reckless at delikadong pagmamaneho ng mga bus.

Iginiit ng kagawaran na kung itutuloy ng GV Florida ang pagsasampa ng kaso, buong DOTr at gobyerno ang kanilang makakabangga. 

Kaugnay nito, handa raw ang ahensya na magbigay ng legal assistance sa uploader at protektahan ang mga mamamayang nag-uulat ng pang-aabuso.

Kasabay nito, muling hinikayat ng DOTr ang publiko na ireport ang anumang iresponsableng gawain sa lansangan. Kapag napatunayang totoo ang ulat, tiniyak ng kagawaran na agad itong aaksyunan.