Naglabas ng ilang paalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga school service operators na nagsimula nang bumiyahe ngayong pasukan.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, mahalagang matiyak na ligtas at angkop ang mga school service vehicles para sa mga estudyante.
Hinimok din ni Guadiz ang mga operator na tiyaking kumpleto ang kanilang prangkisa at insurance coverage. Dapat din na may seatbelts at child-proof locks ang sasakyan, may kasamang adult assistant bukod sa driver, at sumusunod sa tamang paraan ng pagsakay at pagbaba ng mga pasahero.
Dagdag pa rito, dapat may malinaw na “School Service” na label ang sasakyan, at kumpleto ito sa mga kailangang gamit gaya ng fire extinguisher, first aid kit, Stop/Go signage, pati na rin CCTV, dashcam, at GPS tracker.
Pinaalalahanan din ang mga magulang na suriin kung sumusunod sa mga itinakdang patakaran ang school service na kanilang kinukuha para masigurong ligtas ang biyahe ng kanilang mga anak papunta at pauwi mula sa paaralan.