Sinimulan ng 3rd Marine Brigade sa Palawan ang Archipelagic Coastal Defense Continuum (ACDC) 25.3 noong Hunyo 23 sa Marine Base Rodolfo Punsalang sa Puerto Princesa, bilang bahagi ng pagpapalakas sa pambansang depensa.
Ayon sa brigade, ang ACDC 25.3 ay serye ng integrated training na layong pahusayin ang maritime security strategies at operational coordination sa pagitan ng mga kasaling yunit.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Brig. Gen. Antonio Mangoroban na bukod sa pagpapataas ng readiness at interoperability, ang ehersisyo ay nagpapalalim din ng ugnayan na nabuo sa mga joint drills tulad ng Balikatan at Kamandag.
Tatagal ng tatlong linggo ang mga aktibidad, kabilang ang subject matter exchanges at isang simulated island seizure operation bilang kulminasyon.
Itinuturing ang Archipelagic Coastal Defense Continuum 25.3 bilang mahalagang plataporma para sa pinagsanib na pagpaplano at pagsasanay upang mas mapaigting ang operasyon sa loob ng Western Command area. (report by Bombo Jai)