-- Advertisements --

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang lalaki at isang babae na nag-alok umano sa isang tumatakbong Mayor ng Iba, Zambales na kaya nilang manipulahin ang resulta ng darating na halalan at papanalunin ito kapalit ng P30 million.

Kinilala ang mga naaresto na sina Roland Ucab y Bayson, Teody Abalos y Almazan, Joseph Ong y Gamao, Cherrylyn Adriano y Umlas, Ralp Edward Salas y De Luna, at Francis James Mapua y Lascano.

Isinalaysay ni NBI Director Jaime Santiago, na nagsimula ang kaso mula sa reklamo o pagsungguni ng Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa kandidato sa pagka-alkalde ng Iba, Zambales. Inalok umano ang tumatakbong alkalde ng mga suspek ng “seguradong panalo” sa darating na halalan.

Nagpakilala pa si Abalos na may direkta umanong koneksyon sa dating chairman ng COMELEC, at sinabing pamangkin siya ng isang kumakandidato ngayong sa pagkasenador, apo ng dating COMELEC Chairman Benjamin Abalos.

Samantala, dahil sa pagdududa ng tumatakbong mayor sa kanilang mga pahayag, agad niya itong ini-report sa COMELEC at nagsumite ng screenshots ng kanilang usapan.

Isinagawa naman ang isang entrapment operation noong Mayo 8, 2025.

Sinabi ni NBI Director Santiago, na kakasuhan ang anim ng Estafa, Usurpation of Authority at paglabag sa Automated Election System Law.