(Update) Nilinaw ng PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) sa publiko na hindi pa rin humuhupa ang aktibidad ng Taal Volcano kahit pa ibinababa na ang alert status nito sa level 3 ngayong araw.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni PHIVOLCS director Usec. Renato Solidum Jr., na kanilang ibinababa ang alert level dahil sa pagbaba ng bilang ng mga volcanic earthquakes at dami ng sulfur dioxide emission na na-monitor nila sa Taal.

Nangangahulugan lamang aniya ito na ang pag-akyat ng magma sa ilalim ng bulkan ay huminto sa kasalukuyan.

Mula sa 14-kilometer radius, ipinaliwanag ni Solidum na binawasan na rin nila ang danger zone sa seven-kilometer radius na lamang. Sakop nito ang Agoncillo, Laurel, at ilang bahagi ng Tanauan City.

Dahil dito, pinayuhan ni Solidom ang mga lokal na opisyal na magkaroon ng assessment sa mga pinsalang idinulot ng aktibidad ng Taal Volcano sa kani-kanilang lugar bago pa man pahintulutan ang mga residente na bumalik o umuwi.