-- Advertisements --

Pinagtibay ng gobyerno ng Pilipinas ang commitment nito sa pagpapairal ng 2016 Arbitral ruling na nagpawalang bisa sa malawakang claims ng China sa pinagtatalunang karagatan kasabay ng ika-9 na anibersaryo ng makasaysayang panalo ng Pilipinas bukas, Sabado, Hulyo 12.

Ayon sa Department of National Defense (DND), ang naturang arbitral ruling ay isang simple subalit makapangyarihang paalala na mahalaga ang rule of law lalo na sa pagharap sa mga harassment.

Sa bisperas ng anibersaryo ng 2016 arbitral award, inihayag ni Defense Sec. Gilbert Teodoro na malinaw na pinagtitibay ng naturang ruling ang sovereign rights ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf nito sa West Philippine Sea at hindi lamang isang legal pronouncement.

Isa din aniya itong deklarasyon na tanging ang rule of law at hindi kailanman ang pagpapakita ng lakas ang lehitimong gabay para sa aksiyon ng mga bansa.

Binigyan diin din ng kalihim na walang anumang pressure, reinterpretation o makapangyarihan ang makakabura ng naturang katotohanan.

Matatandaan, idineklara ng arbitral ruling na inisyu ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague Netherlands noong Hulyo 12, 2016 na walang legal na basehan sa ilalim ng international law ang 9-dash line claims ng China na ngayon ay ginawa ng 10-dash line kung saan saklaw nito ang EEZ ng Pilipinas.