-- Advertisements --

Hindi apektado ang morale ng mga diver ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kabila ng mga batikos sa social media.

Maalalang kasunod ng paglabas ng PCG sa laman ng unang sakong narecover na sako sa ilalim ng Taal Lake ay pinuna ang umano’y napakabilis na pagkaka-recover, kasama na ang umano’y mistulang bago pa ang sako.

Ayon kay PCG Spokesperson Capt. Noemi Cayabyab, hindi apektado ang ahensiya sa kabila ng mga kritisismo.

Sa katunayan aniya, buhay ng bawat diver ang nakataya sa tuwing sumisisid sila sa lawa, lalo na’t hindi rin alam ng mga ito ang banta sa ilalim ng lawa.

Ang pagpapadala ng PCG ng kanilang mga technical diver ay tulong aniya ng ahensiya para mabigyan ng hustisya ang pamilya ng mga nawawalawang sabungero na ilang taon na ring naghihintay ng balita ukol sa kinaroroonan ng kanilang mga kaanak.

Sa kabila ng mga kritisismo, magpapatuloy aniya ang naturang operasyon at handa ang PCG na maglaan ng tulong sa mga ahensiya ng pamahalaan na nangunguna sa imbestigasyon sa pagkawala ng mga sabungero.

Umaasa rin ang PCG official na makikita ng publiko ang papel ng coast guard sa naturang operasyon, at ang hirap na pinagdadaanan ng mga diver para mahanap ang umano’y mga itinapon na labi ng mga nawawalang sabungero. / Bombo Genesis Racho