-- Advertisements --

MARYLAND, USA – Nagkaroon ng minor electrical issue ang Air Force One habang patungo si US President Donald Trump sa Davos, Switzerland, dahilan upang bumalik ito sa Joint Base Andrews sa Maryland.

Ayon sa White House, agad na lumipat si Trump sa ibang eroplano upang ipagpatuloy ang biyahe patungong World Economic Forum.

Sa naturang pagtitipon, inaasahang tatalakayin ni Trump ang kaniyang kontrobersyal na panukala na mapasailalim sa Amerika ang Greenland, na mariing tinutulan ng mga kaalyado sa North Atlantic Treaty Organization (NATO).

Giit ni Trump, mahalaga ang Greenland para sa pambansang seguridad ng U.S. at hindi niya isinasantabi ang paggamit ng puwersa kung kinakailangan.

Bukod dito, ilalatag din niya ang Board of Peace, isang bagong mekanismo na maaaring maging kapalit o karibal ng United Nations.

Nagbanta rin siya ng 10% tariff laban sa walong bansang NATO kung hindi sila makikipagkasundo hinggil sa Greenland.

Sa Davos, ipagmamalaki ni Trump ang umano’y tagumpay ng kanyang administrasyon sa pagpapalago ng ekonomiya at pagbaba ng presyo ng bilihin.

Sa kabila ng mga kontrobersiya, iginiit ni Trump na nananatiling “pinakamainit” at “pinakamahusay” ang ekonomiya ng Amerika sa buong mundo.