Patuloy na inaalam ng mga awtoridad sa Switzerland ang pagkakakilanlan ng mga biktimang nasawi sa malagim na sunog na sumiklab sa isang ski resort sa Crans-Montana, Swiss Alps, Switzerland, kasabay ng pagsalubong sa Bagong Taon 2026.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu News Team kay Emelisa Lauron-Becker, Bombo International Correspondent sa Switzerland, ibinahagi niya na sa kasalukuyan ay wala pang kumpirmasyon kung may mga Pilipinong nadamay sa nasabing insidente.
Ayon kay Lauron-Becker, wala pa siyang natatanggap na opisyal at kumpirmadong ulat na may mga Pilipinong kabilang sa mga nasawi o nasugatan sa sunog na naganap sa isang bar sa loob ng naturang ski resort.
Gayunpaman, kinumpirma niya na maraming bakasyonista at foreign nationals ang kabilang sa mga biktima ng trahedya.
‘Wala pang balita na mayroong mga Pilipino na nadamay o nasama doon sa aksidente na nangyari sa Ski Resort sa Valais..Sa balita na narinig namin dito na may mga kasamang ibang national or mga bakasyunista na galing sa ibang bansa. If specifc na sasabihin na Filipino na kasama, wala akong narinig na ganon,’ pahayag ni Lauron-Becker.
Aniya, lubhang nakakagulat at nakakalungkot ang sinapit ng lugar, at batay sa mga inisyal na ulat, umabot na sa 40 ang nasawi sa nasabing sunog, habang daan-daan naman ang naiulat na sugatan.
Idinagdag pa ni Lauron-Becker na may impormasyong natanggap siya hinggil sa isang indibidwal na nagdiriwang ng kaarawan kasabay ng Bagong Taon, na pinaniniwalaang nagsindi na kandila na posibleng naging sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy sa paligid.
Binanggit din niya na tinatayang nasa 200 katao ang nasa loob ng resort nang mangyari ang insidente, dahilan upang maging mataas ang bilang ng mga biktima. Sa kasalukuyan, mahigit isang daan pa ang patuloy na ginagamot dahil sa mga natamong pinsala.
Sa ngayon ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang Bombo Radyo Philippines sa Department of Migrant Workers (DMW) ukol kung may nadamay na Pilipino sa nangyaring malagim na sunog sa Switzerland. Hanggang sa mga oras na isinulat ito ay wala pang tugon ang ahensya sa amin.
















