Maraming tao ang pinaniniwalaang nasawi na at higit 100 ang sugatan matapos mangyari ang isang sunog sa isang bar sa ski resort sa Crans-Montana, Swiss Alps, Switzerland habang ipinagdiriwang ang pagsalubong sa Bagong Taon, nitong Enero 1, 2026.
Ayon sa Cantonal Police of Valais, nagkaroon ng malakas na pagsabog dahil sa nangyaring sunog, ngunit wala namang indikasyon ng terorismo sa lugar.
Marami sa mga sugatan ay nagtamo ng malalang paso.
Dahil dito napilitan nang magdeploy ng 10 helicopter, 40 ambulansya, at 150 rescue personnel ang mga awtoridad para tugunan ang karumaldumal na insidente.
Ayon sa ulat hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog at sinabi na hindi “explosive device” ang dahilan ng malakas na pagsabog.
Bukod dito wala pang kumpirmadong impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa nasyonalidad at pagkakakilanlan ng mga biktima.
Napagalaman na kilala ang bar bilang popular sa mga turista.
Sa ngayon kasalukuyang isinara ng pulisya ang lugar, at nagtakda din ng no-fly zone.
Tinutulungan naman ng mga awtoridad ang mga pamilya na makilala at maibalik ang mga katawan ng biktima bilang respeto sa mga ito.
















