AFP CHIEF MADRIGAL
AFP Chief Madrigal/ FB photo

Nasa red alert status na ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa May 13 national and local elections.

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr., inalagay na sa red alert status ang lahat ng kampo ng militar sa buong bansa epektibo nitong Biyernes ng alas-8:00 ng umaga.

Ito’y bilang suporta na rin sa Commission on Elections, at PNP na una nang nagdeklara ng full alert status.

Paliwanag ni Madrigal, handa na ang kanilang tropa sa eleksyon at nakabantay para sa anumang posibleng banta ng karahasan at kaguluhan.

Nasa kabuuang 98,000 mga sundalo ang ipinakalat para magbantay seguridad sa eleksyon.

Sinabi ni Madrigal nais lamang nilang matiyak na magiging mapayapa, maayos at tahimik ang halalan.