-- Advertisements --

Nakahanda ang Department of Education (DepEd) na makipagtulungan sa Office of the Ombudsman para sa mabilis at patas na paglutas ng kaso kaugnay sa umano’y maanomaliyang pagbili ng P2.4 bilyong halaga ng outdated laptops sa kasagsagan noon ng COVID-19 pandemic.

Ito ay matapos ipag-utos ng Ombudsman ang paghahain ng graft at falsification charges laban kina dating Education Secretary Leonor Briones at iba pang mga opisyal.

Sa isang statement, kinumpirma ng ahensiya na naipaalam na sa kanila ang resolution ng Ombudsman para maghain ng mga nasabing charges.

Inihayag din ng ahensiya na ang mga opisyal na subject sa mga kaso ay wala ng posisyon o anumang koneksiyon sa kagawaran.

Nakahanda din aniya sila na ibigay ang lahat ng kinakailangang mga dokumento, impormasyon at iba pang tulong para matiyak na mapapanagot ang mga responsable at maprotektahan ang interest ng publiko.

Nag-ugat ang naturang kaso matapos na punahin ng Commission on Audit (COA) noong 2022 ang pagbili ng umano’y outdated at mahal na laptops na nagkakahalaga ng hanggang P53,000 bawat isa para sa mga guro sa pampublikong paaralan sa gitna ng pag-shift noon sa distance learning matapos ipagbawal ang face to face classes dahil sa pandemiya.