Iginiit ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Representative Leila De Lima na ang pagdepensa sa West Philippine Sea (WPS) ay hindi pag-uudyok ng giyera kundi pag-demand ng dignidad.
Ang WPS din aniya ay atin at dapat na ito ay respetuhin.
“Defending the WPS means demanding dignity, not provoking war. It is to say, with clarity and without fear: “This is ours. Respect it.” As a legislator, a former political prisoner, and a Filipino who knows what it means to be silenced for standing up for what is right, I lend my full voice to this cause”, saad ng dating Senadora.
Ito ang binigyang diin ng mambabatas sa isang pahayag kasabay ng pag-alala ng ika-9 na anibersaryo ng makasaysayang panalo ng Pilipinas sa 2016 arbitral ruling na nagdeklarang walang legal na basehan ang 9-dash line claim ng China sa pinagtatalunang karagatan na saklaw ang West Philippine Sea.
Ayon sa mambabatas, sa pamamagitan ng makasaysayang ruling, kinilala ng buong mundo na ang WPS ay pagmamay-ari ng PH sa ilalim ng international law.
Subalit, ang tagumpay na ito ay hindi dapat na manatiling nakatiwangwang lamang kundi dapat na isabuhay, ituro at depensahan.
Binanggit din ni De Lima na lumahok ito sa WPS bloc sa Kamara de Representantes kung saan kamakailan ay inihain ng grupo ang mga panukala at resoluyon na naglalayong makapagbigay kahulugan at maipagpatuloy ang ating legal na panalo sa naturang karagatan.
Kabilang dito ang House Bill No. 1625 na nagmamandato sa pagsama ng mga isyu sa WPS sa curriculum sa elementarya at sekondarya.
Ang House Bill No. 1626 na nagdedeklara sa Hulyo a-12 bilang National WPS Victory Day at isang special working holiday.
Gayundin ang House Resolution No. 39 na nananawagan para sa pag-aaral sa ugnayan ng Sister City sa mga Chinese cities.
Sa huli, hinimok ng mambabatas ang publiko na ipaglaban ang ating karapatan at ang West Philippine Sea.