Nanindigan ang buong hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling buo at walang lamat ang kanilang buong organisasyon sa kabila yan ng naging pagpapahayag ng “withdrawal of support” ni Col. Audie Mongao.
Sa isang pulong balitaan ngayong Martes, Enero 13, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na ang naging pagbawi ng suporta ni Mongao ay hindi makakaapketo sa kanilang hukbo na siyang nangangahulugang buong nagkakaisa ang Sandatahang Lakas sa kabila ng mga isyu.
‘Wala pang pormal na mga kasong nakatakdang isampa laban kay Mongao ngunit tiniyak ni Padilla na sumasailalim pa sa imbestigasyon ang naturang pahayag at nagpapatuloy pa rin ang mga inquiry hinggil dito.
Ayon pa sa tagapasalita ng AFP ang kaso ni Col. Mongao ay sisiguruhing dadaan sa tamang proseso at magiging patas kung saan binigyang diin din ni Padilla na ang magiging proseso ng imbestigasyon ay alinsunod sa mga umiiral na batas at polisiya ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Maliban dito, binigyang diin din ni Padilla na hindi na kinakailangan pang isalalim sa “loyalty check” ang kanilang buong tropa dahil naniniwala din ang buong hukbong sandatahan na kilala nila ang kanilang mga personnel at nananatili pa rin ang kanilang tiwala at respeto sa mga higher authorities.
Patuloy din aniyang susunod sa kanilang sinumpaang mandato ang kanilang hanay at mananatiling tapat sa organisasyon at maging sa konstitusyon.
Samantala, nananatili naman sa kustodiya ng militar si Col. Mongao habang patuloy na umuusad ang imbestigasyon hinggil sa kanilang mga imbestigasyon.
















