-- Advertisements --
susukan

Ipinaliwanag ng Philippine National Police (PNP) ang dahilan kung bakit ililipat sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kampo Aguinaldo ang kustodiya ni Sulu-based notorious ASG sub-leader matapos ito sumuko at silbihan ng warrant of arrest kagabi ng Davao City Police Office matapos sumuko kay MNLF Chairman Nur Misuari sa Jolo,Sulu.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac sinabi nito hiniling ng AFP na kung maaari na ilipat muna sa kanilang kustodiya si Susukan para isailalim sa tactical interrogation.

Marami pa aniyang dapat itanong ang militar kay Susukan.

Si Susukan ay may warrant of arrest dahil sa 23 cases ng Murder, 5 kaso ng Kidnapping at Serious Illegal Detention at 6 na kaso ng Frustrated Murder.

Ayon kay Banac, ibibiyahe si Susukan mula Davao City patungong Metro Manila at posibleng iturn-over na agad sa militar si susukan pagdating nito sa Metro Manila, dahil sumailalim na rin ito sa booking procedure gaya ng pagkuha ng finger print, mugshot at iba sa Davao City Police Office.


Isinailalim din sa medical examination si Susukan.

Simula kagabi kinukuhanan na ng pahayag ng mga police investigators si Susukan.

Si Susukan ay itinuturing high risk detainee kaya mas mabuti kung manatili ito sa kustodiya ng AFP.

Sa ngayon wala pang court order kung saan pwede ikulong si Susukan.

Una ng sinabi ni Davao City Police Office chief Col. Kirby John Kraft na ongoing ang kanilang imbestigasyon kay Susukan, kaya tumanggi muna itong ihayag ang dahilan ng kaniyang pagsuko.

” Yun ang arrangement natin with the AFP dahil maaari marami pa silang gustong malaman kay Susukan, so maaaring sasailalim sa interview pa, kasi marami yang atrocities sa AFP, alam ko maraming namatay na sundalo dahil sa kaniya, so yun lang naman ang reasons, at saka besides kuwan ya ha talagang maituturing natin yan na high risk prisoner, mas mabuti nasa AFP na lang yan,” pahayag ni BGen. Banac.