2 BOHOLANO, NAGRANK 8 AT 9 SA 2025 CIVIL ENGINEERING LICENSURE EXAMINATION; IBINAHAGI ANG MOTIBASYON UPANG MAKAPASOK SA TOP 10
Magka-halong emosyon at hindi pa rin makapaniwala ang dalawang 23-anyos na boholano matapos makuha ang Rank 8 at 9 sa ginanap na 2025 Civil Engineering Licensure Examination.
Si Irah Angellie Doroy, rank 8 na nakakuha ng 91.55% passing rate at Kevin Jeade Campeceño na nag-rank 9 na nakakuha ng 91.30% ay parehong nakapagtapos sa kursong Bachelor of Science in Civil Engineering sa Bohol Island State University Main Campus.
Sa ekslusibong panayam ng Star FM Cebu sa dalawa, ibinahagi ng dalawa na magkaiba umano ang kanilang sitwasyon maging sa kani-kanilang pinagdaanan na ginawang motibasyon upang maapabilang sa Top 10.
Inihayag ni Doroy na maliban sa pagiging achiever student nito at kayang pagsabayin ang pag-aaral at pagiging presidente nito sa kanilang organisasyon ay hindi umano maitatangi na mahirap tahakin ang kursong pinasukan kung kaya’t mas minabuti nitong aralin ng maigi ang bawat aralin.
Kabaliktaran naman ang naging sagot ni Campeceño dahil aniya ay hindi umano nito sineryoso ang kaniyang pag-aaral hanggang sa ito ay nakakuha ng gradong 3.0 na naging hudyat sa binatilyo na bigyang halaga ang kanyang pag-aaral.
Ngunit pag-amin pa ng mga nito na kahit pa umano sa panahon na nawawalan na ng tiwala sa sarili ay kailangan umanong nilang ipagpatuloy ang nasimulang pangarap upang maging isang ganap na Civil Engineer
Dagdag pa ng dalawa na maliban sa taimtim na dasal at tiwala sa Poong Maykapal ay ang pagbibigay angkop na oras na magreview ng paulit-ulit sa bawat konsepto at formula na ibinigay ng professor at ang tamang pahinga upang makapag-relax ang utak at ang katawan.
Payo naman nito sa mga gustong pasukin ang Civil Engineering na kurso na huwag matakot na magtanong sa guro o propesor sa mga bagay na hindi maintindihan, dahil anila, hindi kailangang hangarin na maging perpekto, ang mahalaga ay may matutunan upang matupad ang pangarap na iyong minimithi.