-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Sa paghatid sa 89 anyos na beteranong journalist na si Juan “Johnny” Dayang sa kaniyang huling hantungan, araw ng Miyerkules, Mayo 7 sa Manila Memorial Park, muling nanawagan ang pamilya para sa hustisya.

Umapela ang pamilya Dayang lalo na ang kaniyang mga anak sa mga kapwa Aklanon, kasapi ng media, at mga awtoridad na matulungan silang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang ama.

Nananawagan ang mga ito sa sinumang may kaalaman sa pagpaslang kay Dayang na makipagtulungan para sa hinahangad na hustisya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Juan “Jed” Dayang Jr., isang senior Philippine diplomat na kasalukuyang naka-assign sa bansang Turkey, ipinagdadasal ng mga ito na maisilbi ng mas maaga ang hustisya para sa kanilang ama.

Sa pamamagitan aniya sa paglabas ng katotohanan ay makukuha ang hustisya sa inabot ng veteran journalist na pinagbabaril ng ilang beses ng hindi pa nakikilalang suspek habang nanonood ng telebisyon sa loob ng kaniyang bahay sa Villa Salvacion, Barangay Andagao, Kalibo, Aklan dakong alas-8:00 ng gabi ng Martes, Abril 29, 2025.

Hindi aniya sila titigil hanggat hindi lalabas ang katotohanan at mapanagot ang mga nasa likod ng nasabing krimen.

Dagdag pa ng pamilya na si Dayang ay hindi lamang isang peryodista, kundi isang ama, guro at totoong Aklanon na inialay ang kaniyang buhay para sa katotohanan at pagsilbi sa bayan.

Lubos aniya silang nagpapasalamat sa lahat na nakiramay sa kanilang pamilya ngunit hindi pa natatapos ang kanilang pagdadalamhati dahil hindi pa naisilbi ang hustisya.

Samantala, magsasagawa ng press conference ang Aklan Police Provincial Office ngayong araw kaugnay sa kaso ni Dayang.