-- Advertisements --

Naging mapayapa ang kabuuan ng May 12 National and Local Elections, batay sa assessment ng Philippine National Police (PNP).

Sa statement na inilabas ng PNP matapos ang pagsasara ng botohan, nakasaad dito na sa kabuuan ay naging mapayapa at walang naiulat na anumang malaking insidente sa buong bansa.

Ayon sa PNP, sa pamamagitan ng mahigpit na koordinasyon sa Commission on Elections (COMELEC) at iba pang mga ahensya, matagumpay na naisakatuparan ang mandato nito na bantayan at pangalagaan ang boses ng mamamayan.

Sa pagbabantay ng PNP, namonitor nito ang lang naiulat na minor technical at logistical issues gaya ng pagkasira ng Automated Counting Machines (ACMs), pagkaantala ng pagbubukas ng mga presinto, at hirap sa paghanap ng pangalan ng mga botante sa listahan, bagay na agad din umanong natugunan ng mga kinauukulan.

Wala sa mga insidenteng ito ang nagdulot ng banta sa seguridad o nakaapekto sa maayos na daloy ng halalan, ayon sa pambansang pulisya.

Batay sa record ng pulisya, umabot sa 205,136 government personnel ang naitalang ipinakalat sa buong bansa, kabilang ang 163,621 na mula sa PNP, 3,698 na itinalaga bilang Special Electoral Board members, at 37,817 augmentation forces mula sa AFP, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang partner agencies.

Nagawa rin ng pulisya na tugunan ang mga naiulat na paglabag sa liquor ban at umano’y vote buying na hanggang sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan.

Pinuri ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil, ang lahat ng unit ng pulisya at mga katuwang na ahensya sa kanilang dedikasyon at disiplina sa pagtupad ng tungkulin sa halalan, aniya.

Ayon sa PNP chief, ang tagumpay na ito ay hindi lamang tungkol sa pagpapanatili ng kapayapaan sa araw ng halalan kungdi ito ay tungkol sa pagtatanggol sa karapatan ng bawat Pilipino na pumili ng kanilang mga lider nang malaya at walang takot.

Nananatiling naka-full alert ang PNP habang nagpapatuloy ang canvassing at proklamasyon ng mga nanalong kandidato.

Hinihikayat din ng pulisya ang publiko na iulat agad sa mga opisyal na hotline at communication platforms ng PNP ang anumang kahina-hinalang aktibidad matapos ang halalan.