Tumangging magbigay ng kanyang kumento o pahayag si Vice President Sara Duterte sa mga kinakaharap nitong paratang na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kanya.
Ito ay matapos niyang dumalo at ipresenta ang sarili ng personal sa isinagawang unang preliminary investigation ng Prosecutor-General sa Department of Justice (DOJ).
Kung saan ilang ulit na iginiit ng naturang bise presidente na ‘no comment’ muna sa mga tanong ng Bombo Radyo ukol sa kanyang hindi pagtalikod sa mga reklamong kanyang kinasasangkutan.
Aniya’y hindi pa muna siya makapagbabahagi ng kanyang mga pahayag o miski reaksyon man lamang sapagkat ito raw ang payo at sabi ng kanyang mga abogado.
“Sabi ng mga abogado ko huwag daw akong magsasalita,” ani Vice President Sara Duterte, ikalawang pangulo ng bansa.
Si Vice President Sara Duterte, ikalawang pangulo ng bansa ay kasalukuyang nahaharap sa mga reklamong ‘inciting to sedition’ at ‘grave threats’.
Kaugnay ito sa lantarang inihayag ng bise presidente na pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., kasama sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Ibinahagi kasi ng ikalawang pangulo na mayroon umano na siyang inutusang pumatay sa mga ito sakaling may masamang mangyari sa kanya.
Ngunit sa kabila nito, umaasa ang kanyang kampo na magkakaroon pa rin ng ‘due process’ sa mga paratang na kinasasangkutan ng bise presidente.
Ayon kasi kay Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado niya, inaasahan nilang daraan sa tamang proseso ang mga preliminary investigation sa Department of Justice.
“Well we expect due process that’s the minimum, we expect due process not just for the Vice President pero kahit sino man lang na dumadaan sa preliminary investigation sa DOJ we can only expect due process,” pahayag ni Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ni Vice President Sara Duterte.
Ito naman ay agad na sinegundahan ng isa pa niyang abogado na si Atty. Paul Lim.
Giit kasi niya na dapat mayroong ‘due process’ sa bawat prosesong isinasagawa sa bansa saklaw ang imbestigasyon sa mga paratang isinampa laban sa bise presidente.
Kaugnay rito, nakatakda namang isagawa ang susunod na preliminary ng Prosecutor-General sa darating na Mayo 16, 2025, ilang araw pagkatapos ng eleksyon sa nalalapit na Mayo 12.