Dineploy ng militar sa Western Mindanao ang kanilang Philippine Navy warships sa probinsiya ng Basilan at Sulu upang masiguro na magiging maayos at credible ang 2025 midterm elections nasa nasabing mga probinsiya.
Ang mga nasabing warships ay nasa ilalim ng operational control ng Joint Task Force Orion (JTFO).
Ito ay ang BRP General Mariano Alvarez (PS176), BRP Juan Magluyan (PC392), and Boat Attack 485 na may mga sakay na Navy SEALs.
Mahalaga ang papel ng mga ito sa pagbibigay ng maritime security hanggang sa matapos ang electoral process.
Ayon kay 11th Infantry Division Spokesperson Capt. Genesis Dizon, ang nasabing coordinated maritime operation ay pagpapakita sa commitment ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Commission on Elections para maging maayos, mapayapa at credible ang halalan sa buong archipelago.
Sinabi ni Dizon na bukod sa pagbibigay seguridad, mahalaga din ang papel ng mga barko sa pagbibigay ng logistical support sa Comelec lalo na duon sa mga itinuturing na geographically isolated and disadvantaged areas sa ilalim ng operational control ng Joint Task Force Orion.
Binigyang-diin ng militar na kaisa sila sa hangaring maging mapayapa ang halalan sa bansa.