-- Advertisements --

Minamadali na ang pagpapadala ng United Nations ng halos $6 million o P354 milyon upang tulungan ang mahigit 400,000 Pilipino na nasa panganib dulot ng bagyong Fung-Wong o Super Typhoon Uwan.

Ginawa ito sa ilalim ng anticipatory action framework ng UN, dalawang minuto matapos matugunan ang mga kondisyon.

Gagamitin ang pondo ng limang UN agencies para maghatid ng pagkain, tirahan, serbisyong medikal, proteksyon, at tubig.

Ayon sa UN body, layunin nitong mabawasan ang pinsala ng bagyo sa gitna ng aktibong panahon ng kalamidad sa bansa.

Inaasahang madaragdagan pa ang reported na pinsala dahil hanggang ngayon ay hindi pa humuhupa ang mga pagbaha sa low lying areas.

Bago ito, napinsala na rin ang ilang lugar sa bansa dahil sa bagyong Kalmaegi o Typhoon Tino.

Pinaniniwalaang nakatulong ang maagap na pagpapalikas kaya mas kaunti na ang nai-record na casualties.