-- Advertisements --

Nakapreposisyon na ang mga suplay ng pagkain, gamot, search and rescue assets, at rescuers sa probinsiya ng Aurora bago ang inaasahang pagtama ng bagyong Uwan sa kalupaan ng Northern Luzon.

Ito ay sa gitna ng posibleng pag-landfall ng bagyo sa naturang probinsya, batay sa pagtaya ng state weather bureau.

Ayon sa Provincial Government of Aurora, nadala na ang mga ito sa strategic locations upang mas madaling ihatid sa mga mangangailangan tulad ng mga ililikas na residente.

Ayon pa sa pamahalaang panlalawigan, nakahanda ang mahigit 500 personnel mula sa iba’t ibang unit para sa search, rescue, and retrieval operations, na may kasamang speed boats, trucks, generators, at rescue equipment.

Binubuo ito ng mga kinatawan ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police, at Bureau of Fire Protection.

Simula nitong nakalipas na araw ay nakaposisyon na rin ang mga heavy equipment sa mga pangunahing kalsada na komokonekta sa buong probinsiya patungo sa iba pang bahagi ng Central Luzon at Cagayan Valley Region.

Una nang idineklara ng probinsya ang provincewide suspension ng pasok sa eskwelahan at trabaho sa araw ng Lunes, Nobiyembre-10 kung kailan inaasahang tatawirin ng bagyo ang mga kabundukan sa Northern Luzon.