Iniimbestigahan ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ilang alkalde at lokal na opisyal sa Cebu na bumiyahe patungong Europa habang patuloy na tinatamaan ng Bagyong Tino ang probinsya, na nagdulot ng matinding pinsala at kumitil ng mahigit isang daang buhay.
Ayon kay Assistant Provincial Administrator Aldwen Empaces, inatasan ng DILG Central Office ang Kapitolyo ng Cebu na magsumite ng mga travel order at kaukulang dokumento upang matukoy kung may legal na batayan ang mga biyahe ng naturang mga opisyal.
Kabilang sa mga nabigyan ni Gov. Pamela Baricuatro ng Foreign Travel Authority (FTA) ang pitong alkalde mula sa iba’t ibang bayan sa Cebu, pati na rin si Provincial Board Member Andrei Duterte.
Nilinaw ni Gobernadora Baricuatro na ang mga travel authority ay napirmahan bago pa man tumama ang bagyo at iba pang kalamidad sa rehiyon.
Samantala, si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco ay nasa London noong Nobyembre 4 bilang pinuno ng delegasyon ng Pilipinas sa World Travel Market.
Nang mabalitaan ang sakuna, agad umano siyang umuwi sa bansa kasama ang kanyang asawa, si 5th District Representative Duke Frasco, upang pangunahan ang relief operations sa Cebu.















