-- Advertisements --

Pinadapa ng malalakas na hangin at ulan bunsod ng bagyong Tino ang limang transmission line sa Eastern Visayas at CARAGA, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP)

Kaugnay nito, apektado ang mga linya sa Leyte, Southern Leyte, at CARAGA, kabilang ang Maasin-Baybay, Ormoc-San Isidro, Ormoc-Baybay, Maasin-San Isidro, at Placer-Madrid 69kV lines.

Dahil dito, nawalan ng kuryente ang ilang lugar na sakop ng Leyte Electric Cooperative (LEYECO), Don Orestes Romualdez Electric Cooperative (DORELCO), Southern Leyte Electric Cooperative (SOLECO), Surigao del Norte Electric Cooperative (SURNECO), Siargao Electric Cooperative (SIARELCO), at Surigao del Sur II Electric Cooperative (SURSECO II)

Hindi rin gumagana ang isang 138kV at 350kV line, ayon sa NGCP.

Nagsasagawa na ngayon ng patrol at restoration works ang mga lineman sa mga lugar na maaabot na.

Paliwanag ng NGCP, maaaring sanhi ng power outage ang pinsala sa transmission o distribution facilities, at tinutukoy ng mga electric cooperative ang eksaktong mga lugar na apektado.