Sumulat ang mga lider ng Simbahang Katolika sa pangunguna ni Cardinal Pablo Virgilio David kasama ang civil society groups at mga pamilya ng mga bikima ng extrajudicial killings kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para himuking bumuo ng “Truth Commission” para imbestigahan ang drug war killings sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ipinadalang sulat ngayong Biyernes, Nobiyembre 7, iginiit ni Cardinal David na ang naturang komisyon ay magbibigay ng “closure” sa mga pamilya ng mga biktima at magpapakita ng malakas na mensahe na mas nananaig ang katapangan kesa sa takot, at pananagutan kesa sa impunity.
Nagpahayag din ng pagkalungkot ang Cardinal, na ang diocese ay ang “ground zero” sa drug war, na humantong sa wala ang isinagawang legislative inquiries gaya ng Quad Comm hearings noong nakalipas na taon.
Kaugnay nito, ikinatwiran ng Cardinal na kailangan ang isang independent body para magsagawa ng isang impartial o patas na imbestigasyon.
Si Cardinal David, na kasalukuyan ding nagsisilbi bilang presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ay isang masigasig na tagapagtaguyod para sa katotohanan at pananagutan sa iba’t ibang isyung kinakaharap ng ating bansa.
Kabilang dito ang korapsiyon sa flood control projects, patuloy ding nananawagan sa public officials na umamin sa kanilang nagawang kamalian, magsisi at isauli ang mga ninakaw na pondo bilang mahalagang hakbang tungo sa tunay na hustisiya at paghilom ng bansa.
















