-- Advertisements --

Nagpatupad ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng contingency measures para sa eleksiyon sa araw ng Lunes, Mayo 12.

Kabilang dito ang pagsuspendi ng lahat ng maintenance activities para matiyak ang uninterrupted power service sa panahon ng halalan.

Kinumpirma ito ni NGCP government relations and regional affairs lead specialist Jenny Afrolin kung saan iniulat din ng opisyal na pansamantalang suspendido ang konstruksiyon at non-critical maintenance activities malapit sa substations at transmission lines mula Mayo 5 hanggang 16.

Aniya, ang suspensiyon ng lahat ng maintenance acivities ay alinsunod sa contingency plans na itinakda ng Commission on Elections para sa nalalapit na halalan.

Ayon sa NGCP, simula pa noong Abril, nilinis na ang lahat ng transmission lines na may obstructions maliban sa isang linya sa South Luzon dahil sa nagpapatuloy pa ang negosasyon sa scheduled vegetation trimming sa naturang linya.

In-adjust na rin ang maintenance activities ng power plants para matiyak ang availability ng mga ito sa araw ng halalan.

Ia-activate naman ng grid operator ang operasyon ng Overall Command Center ng 24/7 hanggang sa Mayo 14 para marespondehan ang posibleng power interruptions.