SIERRA BULLONES, BOHOL – Dead on arrival sa pagamutan ang isang barangay konsehal matapos itong binaril ng kainumang kapitbahay nito dakong alas 11:05 kagabi sa Purok 4 Brgy. Matin-ao Sierra Bullones Bohol.
Nakilala ang biktimang konsehal na si alyas Ernesto, 60 anyos habang ang suspek ay nakilalang si si alyas David, 63 anyos at parehong residente ng nasabing lugar.
Inihayag ni PLt Col Norman Nuez, spokesperson ng Bohol Police Provincial Office, sinabi nito na base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nag-iinuman ang dalawa bago ito nagkaroon ito ng mainitang pagtatalo.
Agad pang bumunot ng armas ang suspek at binaril ang biktima dahilan kaya nagtamo ito ng tama sa kanang bahagi ng dibdib na dahilan ng kanyang pagkasawi.
Tinitingnan ngayon ng pulisya na personal grudge ang dahilan sa naturang pamamaril.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad si alyas David at nakatakdang sampahan ng kinauukulang kaso.
Iginiit pa ni Nuez na isolated case lamang ito at sa kabila ng nangyaring pamamaril, kanyang binigyang-diin na hindi makakapekto sa kabuuang peace and order situation sa Bohol lalo na sa bayan ng Sierra Bullones.