KALIBO, Aklan—Hindi na nakapagtataka para sa grupong Alliance for Concerned Teachers Partylist na mabulgar ang ukol sa ma-anomalyang mga flood control projects dahil noon pa man ay alam na ito ng pamahalaan ngunit hindi lamang nabigyan ng pagkakataon na mabusisi ang proyekto na ipinagkaloob sa mga contractors.
Ayon kay former ACT partylist representative France Castro, nakakalungkot aniya malaman na halos 60 porsyento ng pondo sa infrastructure at kagaya nitong proyekto ay napunta lamang sa bulsa ng mga kontratistang corrupt.
Kahit sa panukalang pondo para 2026 ay may malaking tipak pa rin nito ang para sa flood control projects kung saan, maaari pa sana itong magamit sa ibang proyekto.
Dagdag pa ni Castro, maituring na panaginip na lamang na maabot ng Pilipinas ang “middle-income economy” kung walang matinong pupuntahan ang pondo ng bansa.
Sa kasalukuyan aniya ay isinusulong ng kanilang grupo ang Independent People’s Audit para mabusisi ang mga proyekto na pinopondohan ng pamahalaan upang matiyak na napupunta sa tama ang buwis ng mamamayan.
Umaasa ang mga ito na sa patuloy na paghuhukay ni Pangueong Ferdinand Marcos Jr. sa mga maanomalyang proyekto ay may mapanagot na mga contractors at mga nasa likod nitong opisyal ng gobyerno.