Hiniling ng kampo ni Ramil Madriaga, na dating aide umano ni Vice President Sara Duterte, sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang kanyang mga alegasyon na nakasaad sa kanyang sinumpaang salaysay.
Sa liham na may petsang Disyembre 16, humingi ng aksyon ang abogado ni Madriaga na si Atty. Mark Anthony Te kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla para sa nararapat na pagsusuri at posibleng pagdinig.
Ayon sa kampo ni Madriaga, isinagawa ang affidavit noong Nobyembre 29 at ito ay pinanotaryo.
Sa kaniyang affidavit, iginiit ni Madriaga na may mga drug dealer at POGO na umano’y nagpondo sa kampanyang Inday Sara Duterte is My President (ISIP) Pilipinas at personal umano siyang kumuha ng mga bag na puno ng pera sa ilang lugar sa Pampanga, Quezon City, at BGC.
Tinukoy din ni Madriaga sa affidavit ang hinggil sa confidential funds, kung saan binanggit ang umano’y paghatid ng milyon-milyon hanggang bilyong pisong cash.
Samantala, may nauna nang isinampang mga reklamong plunder, graft, at malversation laban sa Bise Presidente at iba pa kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, na itinanggi naman ng Bise Presidente at tinawag bilang “fishing expedition.”
















