-- Advertisements --

Mariing binatikos ni Kalookan Bishop at Cardinal Pablo Virgilio David ang pagtaas ng pondo ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) ng Department of Health (DOH), na kanyang tinawag na isang paglabag sa dignidad ng mahihirap.

Ginawa ng Cardinal ang pahayag kasunod ng desisyon ng bicameral conference committee na itaas ang MAIFIP budget sa ₱51 bilyon sa susunod na taon mula sa ₱42 bilyon ngayong 2025, isang hakbang na ayon sa mga civil society group ay anyo ng pork barrel at patronage politics.

Ayon kay Cardinal David, umaasa ang MAIFIP sa mga guarantee letter ng mga politiko, na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang magpasya kung sino, magkano, at kailan makakatanggap ng tulong.

Aniya, bagama’t tila makatao sa papel, sa aktuwal ay isa lamang itong “health pork barrel” na taliwas sa mga naunang desisyon ng Korte Suprema laban sa pork barrel system.

Giit pa ng kardinal, ginagawang pabor sa halip na karapatan ang serbisyong pangkalusugan, at itinuturo umano sa mahihirap na ang tulong ay nakadepende sa koneksyon sa kapangyarihan.

Dahil dito, nasasaktan aniya ang dignidad ng mahihirap at nababahiran ang dangal ng pampublikong tanggapan.

Kaugnay nito, nanawagan si Cardinal David sa Kongreso na talikuran na ang pork barrel at tiyakin na ang tulong-medikal ay direktang maipagkakaloob sa pamamagitan ng PhilHealth at mga ospital ng DOH, nang walang pakikialam ng mga politiko.

Giit ng cardinal, ang may sakit ay dapat gamutin dahil sila ay may sakit at hindi dahil may kakilala sila.