Posibleng hanggang apat na bagyo pa ang papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) sa susunod na buwan ng Oktubre.
Ito ang sinabi ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) Administrator Vicente Malano, sa harap ng malalakas na bagyong naitatala sa panahong ito.
Ayon kay Malano, mula sa Nobyembre hanggang Disyembre ay mayroon pang anim hanggang siyam na bagyo ang inaasahang papasok sa bansa.
Kaya naman patuloy ang paalala ng weather bureau sa publiko na paghandaan ang mga bagyong ito.
Pangkaraniwan kasing sa ganitong panahon ay pawang malalakas ang bagyo na dumaraan sa Pilipinas.
Inihalimbawa ni Malano na noong 2020, batay sa kanilang record, apat na bagyo ang naging super typhoon, habang apat ding super typhoon noong 2021.
Ngayong taon naman aniya ay mayroon nang tatlong malalakas ding bagyo subalit dalawa rito ay hindi tumama sa kalupaan, tulad ng “Hinamnor” na kilalang nagpabaha nang husto sa Korea, ang bagyong Josie at ang pinakahuli at katatapos lang nanalasa sa bansa na super typhoon Karding.