-- Advertisements --

Hinimok ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang gobyerno na magtalaga ng isang independent industry expert upang magsagawa ng komprehensibong pag-aaral sa industriya ng online gambling.

Ang pahayag ng senador ay kasunod ng patuloy na pag-aaral ng administrasyong Marcos sa mga polisiya ng online gambling. 

Giit ni Gatchalian, hindi dapat Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang manguna sa pagsusuring ito dahil may sarili itong interes na pangalagaan. 

Kabilang aniya sa pag-aaral ang pagsusuri sa mga teknolohiyang epektibong makaka-block ng mga website at app na nag-aalok ng online gambling sa bansa.

Nagbabala ang mambabatas na kung walang gagawing aksyon ang bansa, lalo lamang lalala ang pagkahumaling sa online gambling, partikular sa kabataan.

Una na ring nanawagan si Gatchalian na masusing busisiin ang mga pamumuhunan ng Government Service Insurance System (GSIS) sa online gambling at iba pang high-risk ventures. 

Ayon sa senador, tungkulin ng government institutions na panatilihin ang maingat at tapat na pamamahala, lalo na sa pondo na pinaghirapan ng mga manggagawa.

Hinimok nito ang GSIS na makipagtulugan at maging bukas para sa kapakanan ng tiwala ng publiko at seguridad pinansyal. 

Hindi aniya dapat sinusugal ng tanggapan ang perang pinaghirapan ng mga lingkod-bayan, kabilang ang mga guro, pulis, at healthcare workers, sa isang industriyang nagdudulot ng kapahamakan sa maraming Pilipino.