-- Advertisements --

Tinawag na “unrealistic” o hindi makatotohanan  ni Senate Committee on Finance chairman Senador Sherwin Gatchalian ang P500 na budget pang-Noche Buena na itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI)

Ayon kay Gatchalian, hindi kakasya ang P500 para sa isang pamilya na may limang miyembro, lalo na kung isasaalang-alang na isang espesyal na selebrasyon ang Noche Buena.

Idinagdag din ng senador na kahit ang pinaka-basic na handa ay mahirap pagkasyahin sa halagang limang-daan lalo na kung bibilhin o ikokonsidera ang pagbili ng karne.

Nang tanungin kung paano umabot sa ganoong pagtataya ang DTI, sinabi ni Gatchalian na kahit ang presyo ng mga budget meal sa fast-food ay hindi maihahambing sa tunay na gastos sa paghahanda para sa Noche Buena.

Tinanong din ang senador tungkol sa puna na imbes na humanap ng solusyon sa mataas na presyo ng bilihin, may mga opisyal ng gobyerno pang nagsasabing kakasya ang mababang budget.

Iginiit ni Gatchalian na bagama’t may mga hinaing ang publiko, nakamit naman ng administrasyon ang mababang inflation nitong mga nakaraang quarters. 

Gayunpaman, binigyang-diin ng senador na ang tunay na mahalaga ay ang pagpapanatili ng mababang presyo upang hindi mahirapan ang mga mamamayan.