Iniimbestigahan ng National Police Commission (Napolcom) ang ilang police generals para sa kanilang posibleng pagkakasangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa isang press conference ngayong Huwebes, Agosto 7, sinabi ni Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Calinisan na tuluy-tuloy ang kanilang imbestigasyon at hindi lamang ito limitado sa 18 pulis na pinangalanan ng isa sa akusado at whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy sa kaniyang complaint affidavit.
Ayon kay Atty. Calinisan, sa naturang bilang, 12 ang aktibo sa serbisyo habang anim naman ay natanggal na sa serbisyo.
May mga pangalan ng mga pulis din aniya na matataas ang ranggo na hindi pa naisasapubliko ang patuloy nilang iniimbestigahan.
Inihayag din ni Atty. Calinisan na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kanilang mabusising iimbestigahan ang pagkawala ng mga sabungero partikular na ang posibleng pagkakasangkot ng mga pulis.
Matatandaan na noong Lunes, nauna ng sinuspendi ng 90 araw ang 12 aktibong pulis na pinangalanan ni Patidongan sa kaniyang affidavit na sangkot umano sa kaso ng missing sabungeros.
Ang 11 pulis ay humaharap sa mga reklamo para sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer habang ang isa naman na si Col. Jacinto Malinao Jr., na dating director ng Batangas Provincial Police Office, ay iniimbestigahan dahil sa umano’y grave misconduct, grave neglect of duty at conduct of unbecoming of a police officer.
 
		 
			 
        














