CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng mga kaso ang walong tao na inaresto ng mga pulis sa Barangay 3, Tumauini, Isabela dahil pagbebenta ng mga pekeng foreign currency at banknotes.
Ang mga nadakip ay sina Minerva Roan, residente ng San Pedro, Angono, Rizal na siya umanong lider ng grupo.
Kasama niyang inaresto ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela at Tumauini POlice Station sina Fe Borromeo, residente ng Santo Nino, San Mateo, Rizal; Michelle Quitalib, residente ng District 3, Cauayan City; Pilar Castillejo, residente ng Nungnungan, Cauayan City; Monette Baronia, residente ng District 3, Cauayan City, Rowena De Guzman, residente ng Quirino, Maria Aurora, Aurora; Aji Marquez, residente ng Sinimbaan, Roxas, Isabela at Jay Mark Bredico, residente ng Masaya Sur, San Agustin, Isabela.
Ang mga naaresto ay nasa kustodiya ng CIDG Isabela at nasampahan na ng kasong syndicated estafa at paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o Illegal Possession and Use of Treasury and Banknotes and other instrument.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Col Julius Jacinto, pinuno ng CIDG Isabela, sinabi niya na may nagbigay sa kanila ng impormasyon, dalawang linggo na ang nakaraan tungkol sa pagdating ng mga kataong magbebenta ng pekeng dolyar at iba pang foreign currency mula sa Metro Manila.
Ayon kay PLt Col Jacinto, ang nagbigay ng impormasyon ay siya ring pagbebentahan sana ng mga suspek.
Dahil dito ay agad nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad at nadakip ang walong suspek.
Ang mga pekeng dolyar at iba pang foreign currencies, gold banknotes at paper banknotes ay nagkakahalaga ng P1,000,048.
Aniya, hihingan sana ng mga suspek ng 2 million ang kanilang biktima sa kanilang dalang pekeng pera at banknotes.
Ayon kay PLt Col Jacinto, ang lider ng grupo na si Minerva Roan ay noong 2006 pa nagsasagawa ng operasyon sa bahagi ng Minadanao, Southern Tagalog Region, National Capital Region (NCR) region 2, region 3 at Cordillera Administrative Region (CAR).
May mga dokumento na narekober ang mga pulis na ginawa pa noong 2019-2020 at may mga pangalan na ng kanilang mga prospect o planong biktimahin.
Dagdag pa ni PLtCol. Jacinto malaking dagok sa mga sindikato ang pagkahuli ng kanilang mga kasama at nailigtas din ang mga maaari sana nilang biktimahin.
Pinaalalahanan ng CIDG Isabela ang mga mamamayan na maging maingat sa mga ganitong transaksyon ay ipabatid agad sa mga pulis kung may mapansing katao na kahina-hinala ang kilos.