-- Advertisements --

Natagpuang wala ng buhay ang magkapatid na retired teacher sa loob ng kanilang bahay, noong Martes, Hulyo 22, sa Barangay Cabacnitan, Batuan, Bohol

Kinilala ang mga ito na sina Felicitas Bahande, 84 anyos, at Januaria Bahande, 78 anyos, parehong walang asawa at dating nagtuturo sa pampublikong paaralan.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PCapt. Victor Tagsa Jr., hepe ng Batuan Municipal Police station, natagpuan na lang ang bangkay ng dalawa na nasa state of decomposition na.

Aniya, ilang araw nang hindi nagpapakita ang magkapatid kaya humingi na ng tulong at iniulat na ito ng kanilang mga kamag-anak sa opisyal ng barangay.

Huli umano ang mga itong namataan sa idinaos na mahalagang selebrasyon sa isang kapilya sa lugar.

Sinabi pa ni Tagsa na walang palatandaan ng sapilitang pinasok o nilooban ang bahay dahil nasa maayos pa rin ang lahat ng gamit.

Nadiskubre naman sa loob ng bahay ang P53,000 na cash, isang relo, cellphone, at bank passbook na may malaking halaga na isang indikasyon na walang nakawang nangyari.

Tinatayang apat hanggang limang araw nang patay ang magkapatid bago natagpuan kung saan si Felicitas ay nakahandusay sa sahig, habang si Januaria ay nakahiga na malapit sa pintuan.

Napag-alaman pa ng pulisya na may isang house-helper ang mga ito na hindi na pinangalanan ang dumadalaw sa bahay ngunit umuuwi rin pagkatapos ng trabaho at isinailalim na rin sa pagtatanong.

Humiling na ang mga kamag-anak ng mga ito ng agarang autopsy para matukoy ang sanhi ng kamatayan.