Sinabi ni US President Donald Trump na nagkasundo ang mga lider ng Thailand at Cambodia upang pag-usapan ang isang tigil-putukan, matapos ang tatlong araw ng marahas na sagupaan sa kanilang pagitan na ikinasawi ng higit sa 30 katao at paglikas ng mahigit sa 130,000 katao rehiyon.
Sa kanyang social media post mula Scotland, inihayag ni Trump na kinausap niya ang mga pinuno ng dalawang bansa at binalaan sila na hindi sila makakakuha ng kasunduang pangkalakalan sa Amerika kung magpapatuloy ang labanan.
Ayon kay Thailand Acting Prime Minister Phumtham Wechayachai, sumasang-ayon sila sa prinsipyo ng tigil-putukan ngunit nais nila ng sinserong aksyon mula sa Cambodia. Kasabay nito, hiniling din niya kay Trump na hikayatin ang Cambodia na agad na sumang-ayon sa bilateral talks.
Nagbabala rin ang United Nations at ASEAN sa posibleng paglala ng sitwasyon.
Gayunpaman nagpapatuloy ang bangayan ng dalawang panig tungkol sa kung sino ang unang umatake, at parehong iginiit ang karapatang ipagtanggol ang sarili.
Matatandaan nag-ugat ang alitan ng dalawang bansa dahil sa matagal nang hindi pagkakaunawaan sa border nito, partikular sa mga lugar kung saan naroroon ang mga sinaunang templong Hindu tulad ng Preah Vihear, na dating naging sentro ng kaguluhan noon pang 2008.
Sa kabila ng anunsyo ni Trump, wala pang detalyeng inilalabas kaugnay sa kung kailan at saan magaganap ang pag-uusap ng dalawang bansa.