Nagbabala ang Philippine Reclamation Authority (PRA) nitong Biyernes, Hulyo 25, laban sa mga real estate entity na umano’y nagsasagawa ng black propaganda laban sa mga aprubadong reclamation projects ng gobyerno.
Sa isang public warning, sinabi ng PRA na ang ganitong mga hakbang ay sumisira sa mga lehitimong programa ng pamahalaan.
Binalaan din ng ahensya ang mga nasa likod ng mga ito na sila’y isisiwalat at pananagutin sa batas.
Ayon sa PRA, ang lahat ng aprubadong reclamation projects ay dumaraan sa masusing pagsusuri ng iba’t ibang ahensya at kailangang tiyakin na higit sa 51% ng halaga o lupa ng proyekto ay napupunta sa gobyerno, bilang bahagi ng pagbibigay ng pampublikong benepisyo.
Binanggit din ng PRA na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nananatili silang tapat sa mandato ng makatuwiran at legal na pagpapaunlad ng lupa para sa interes ng bayan.