-- Advertisements --

Agad na ipinag-utos ni Cebu Governor Pamela Baricuatro ang imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng isang ina at hindi pa naisilang na anak nito matapos umanong tanggihan na isagawa ang emergency cesarean section.

Ayon sa asawa ng biktimang si Airish Comaling, tinanggihan umano ng mga doktor ng Carcar City Provincial Hospital ang operasyon dahil hindi pa raw sapat ang cervical dilation nito.

Sa kabila ng paulit-ulit na pakiusap, hindi isinagawa ang cesarean section, dahilan ng pagkamatay ng sanggol at ng ina habang inililipat sa ospital sa Talisay City.

Umani ng matinding batikos at hinanakit online ang insidente matapos itong ibahagi ng kaanak sa social media.

Sa pagdalaw ni Gov. Baricuatro sa burol, tiniyak niyang makakatanggap ng tulong sa pagpapalibing at mga pangunahing pangangailangan ang pamilya.

Inilarawan pa ng opisyal na “heartbreaking” ang insidente kasabay ng paghiling ng pang-unawa sa publiko at huwag agad magkaroon ng hatol laban sa kanyang administrasyon dahil 23 araw pa lamang siya sa puwesto nang mangyari ito.

Tiniyak naman ng gobernador na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay palakasin pa ang mga serbisyo at sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa lalawigan upang maiwasang maulit ang mga kahalintulad na insidente.