-- Advertisements --

Nanawagan ngayon si Cebu Archbishop-elect Alberto Uy ng total ban sa online gambling at kanyang iginiit na hindi sapat ang isang regulasyon para rito.

Ginawa nito ang pahayag sa kanyang makabag-damdaming homily kasabay ng 171st Bohol Day noong Martes, Hulyo 22.

Hiniling din nito ang lahat na maging matapang na saksi ng pag-asa sa komunidad kasabay ng pagsasabuhay ng katotohanan at paninindigan sa gitna ng lumalalang disimpormasyon at kawalang-pakialam ng lipunan.

Nagbabala pa ang archbishop-elect sa patuloy na mga hamon na kinakaharap ng lipunan, gaya ng korapsyon sa mga tanggapan, pagkasira ng kalikasan, at patuloy na pagkalulong sa ilegal na droga.

Ngunit aniya, “hindi lang droga ang kinahuhumalingan ngayon—lumalaganap din ang online gambling addiction.

Dagdag pa nito na umaasa siyang makumbinsi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatupad ang total ban sa naturang gawain.

Bagama’t kinikilala niyang may kinikita ang gobyerno mula sa buwis sa online gambling, binigyang-diin nito na “hindi buwis ang problema.

Aniya, may sapat naman tayong pondo at ang tunay na problema ay ang sistema ng pangongolekta at ang talamak na korapsyon.