Tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang contact tracing ng Quezon City local government unit (LGU) sa mga nakasalamuha ng isang pasyenteng nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) UK variant.
Sa ngayon nasa 350 close contacts ng COVID-19 patient ang natunton na ng Quezon City LGU kabilang na rito ang grab driver na naghatid sa pasyente sa QC mula Manila.
Ayon sa mga otoridad ang Grab driver ay siyang naghatid sa pasyente mula sa una nitong quarantine hotel sa Sta. Cruz, Manila sa isang apartment sa Quezon City.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, walo raw sa mga ito ay nagpapakita ng sintomas ng COVID-19 at ngayon ay naka-home quarantine na.
Nasa 105 katao naman na ang sumalang sa swab test at posibleng ilabas ang resulta sa mga susunod na araw.
Umaasa naman si Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit head Dr. Rolly Cruz na matapos ngayong araw ang pag-swab test sa iba pang close contacts ng pasyente.
Kapag lumabas daw na mayroong clustering sa mga kaso, agad irerekomenda ni Belmonte ang lockdown sa area partikular sa Riverside, Barangay Commonwealth kung saan na-quarantine noong ang biktima.
Sa impormasyon mula sa Department of Health (DoH) ang lalaki ay isang Overseas Filipino Worker (OFW) na bumalik sa bansa mula Korea noon pang Agosto 2020.
Naghimutok naman si Belmonte dahil pinayagang lumabas ang pasyente kahit positibo na ito sa nakamamatay na sakit.
Kung maalala noong Miyerkules nang lumabas na positibo sa UK covid variant ang 35-anyos na lalaking mula Liloan, Cebu.
Nang babalik ulit ito sa ibang bansa ay nagtungo ito sa Metro Manila at unang nanirahan sa Parañaque City.
Dito siya nadiskubreng positibo sa COVID-19.