-- Advertisements --

Dumating na sa bansa ang karagdagan pang walong Pilipinong caregivers mula sa Israel.

Sa isang statement, kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang sinasakyan ng repatriated Filipinos nitong gabi ng Miyerkules.

Sinalubong sila ng mga opisyal mula sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at medical teams mula sa Manila International Airport Authority.

Binigyan naman ang mga ito ng temporary housing, transportation at health checkups.

Nangako din ang DMW at OWWA ng pagbibigay ng kabuhayan, trabaho at tulong pangkalusugan para sa mga Filipino returnees.

Ito na ang ika-38 batch ng mga OFWs na na-repatriate mula sa Israel mula nang simulan ng pamahalaan ang voluntary repatriation program nito nang sumiklab ang October 7 attack noong 2023.

Ito naman ang ikalawang grupo na napauwi sa bansa simula nang magpalitan ng missile at air strike ang Iran at Israel noong Hunyo 13 ng kasalukuyang taon bago ipatupad ang ceasefire noong Hunyo 24 na tumapos sa tinawag na “12 day of war” sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa kabuuan, base sa datos mula sa Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv, nasa 1333 na ang na-repatriate mula Israel noong October 7, 2023 hanggang Hunyo 12, 2025.