-- Advertisements --

Kinumpirma ng Congregation of the Religious of the Virgin Mary (RVM) na walong madre ang pumanaw matapos na magpositibo sa COVID-19.

Ang mga nasawing madre ay pawang nasa 80 hanggang 90-anyos at sila ay kabilang sa 62 madre na nagpositibo sa virus mula sa Saint Joseph Home at kumbento ng mga RVM Sisters sa Quezon City.

Ayon kay RVM Sister Ma. Anicia Co, tagapagsalita ng kongregasyon, maliban sa mga madre ay kabilang din sa mga nagpositibo sa COVID-19 ang nasa 52 personnel ng kumbento.

Sinabi ni Sister Co na ang mga nagpositibo ay mga bata at kasalukuyang nagrerekober na mula sa symptomatic at ngayon ay asymptomatic.

Una ng kinumpirma ng Quezon City government na tatlong kumbento ng mga madre at isang seminaryo ang isinailalim sa Special Concern Lockdown dahil sa outbreak ng COVID-19.

Samantala, nasa 91.3% o 143,704 na ang gumaling mula sa COVID-19 sa Quezon City.

Ayon sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), 12,229 ang kumpirmadong active cases mula sa 157,330 na kabuuang bilang ng nagpositibo sa lungsod.