Umaabot na sa 649 indibidwal kabilang ang nasa 260 elected officials ang nahaharap sa kaso kaugnay ng anomalya sa pamamahagi ng social amelioration program (SAP).

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya na ang mga ito ay nakasuhan dahil sa iba’t ibang alegasyon sa pamimigay ng unang tranche ng SAP.

Ayon kay Usec. Malaya, ang nasa 260 ay pawang mga local officials na kinabibilangan ng barangay kapitan o kagawad o kaya’y municipal councilor.

Inihayag ni Usec. Malaya na naisampa na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga kaso sa korte habang nakapagpalabas na rin ang DILG ng show cause order laban sa mga nasabing government officials.

Sa panig naman ng Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na wala pa silang natatanggap na ulat na may nakakubra na ng P30,000 na pabuya na inialok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga indibidwal na makakapagsumbong laban sa mga tiwaling opisyal na kumakana ng pondo ng SAP.