-- Advertisements --

graduate

Nakatakdang i-deploy sa limang police districts sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nasa 519 na bagong graduates na mga pulis.

Nabatid na pinangunahan nina NCRPO chief Maj. Gen. Vicente Danao Jr., at Maj. Gen. Alex Sintin, director ng Philippine National Police (PNP) Training Institute, ang graduation ceremony ng Public Safety Basic Recruit Course Class 2020-04 “Masigtalab” kahapon, June 8, na isinagawa sa NCRTC Covered Court, Camp Bagong Diwa, Bicutan Taguig City.

Ang PSBRC Class 2020-04 ay binubuo ng 134 na babae at 385 lalaki.

Bago sila i-deploy sa limang police district, sila ay itu-turnover muna sa Regional Special Training Unit (RSTU) para sa tinatawag na orientation.

graduate3

Ayon kay Danao, ang deployment ng mga ito sa limang police districts sa NCRPO ay para sumailalim sa anim na buwang compulsory Field Training Exercise – on the job training (FTEX-OJT).

Dito ay kanilang isasabuhay ang mga natututunan gaya ng pagresponde at pagtupad ng batas sa mga actual scenario sa imbestigasyon, pagpapatrolya at pagmando ng trapiko.

graduate5

Kumpiyansa si Danao na ang mga nasabing batch ng mga police recruits ang siyang magiging “newest arm” ng NCRPO na tatayong “striking force” ng PNP para labanan ang kriminalidad.

Kaugnay nito, binati at pinaalalahanan ni Danao ang mga bagong graduate na pulis na maging bahagi sa bagong “era of change” sa PNP organization, pangalagaan ang kanilang serbisyo, magtrabaho ng maayos, i-apply ang mga natutunan sa training, magbigay ng serbisyong tama, tapat may tapang at malasakit sa mamamayan.