Nagsimula nangayong araw Agosto 28 ang campaign period para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections. Ito ay magtatagal hanggang Oktubre 11, isang araw bago ang mismong halalan.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, simula ngayong araw, ipatutupad na ang lahat ng batas na may kaugnayan sa pangangampanya sa Bangsamoro. Kasama rito ang pagpapatibay ng Committee on Kontra Bigay (CKB) at iba pang task force upang bantayan at sugpuin ang vote-buying at iba pang pag-abuso sa halalan.
Giit ni Garcia, hindi sila magdadalawang-isip na maghain ng kaso at patawan ng parusa ang mga lalabag upang matiyak ang patas na halalan sa rehiyon. Ayon sa poll body, agad na madi-disqualify ang sinumang kandidato o partido na mahuhuling sangkot sa vote-buying sa darating na Bangsamoro Parliamentary Elections.
Patuloy naman ang paalala ng poll body sa lahat ng kandidato at partido sa Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) na mahigpit na sumunod sa mga panuntunan ngayong nagsimula na ang 45-araw na campaign period.
Bawal sa panahong ito ang pamimigay ng donasyon, pagtanggap ng bagong empleyado sa gobyerno, pagtaas ng suweldo ng mga kawani, paggamit ng pondo ng bayan, at iba pang ipinagbabawal sa ilalim ng election laws.
Samantala sa iba pang balita, malugod na tinanggap ng COMELEC ang resulta ng isang pag-aaral ukol sa katatapos lamang na 2025 National and Local Elections.
Ayon kasi sa naturang pag-aaral, walo sa sampung Pilipino o 83% ang nagsabing mapagkakatiwalaan ang resulta ng May 2025 elections.
Kinilala naman ni Garcia ang sakripisyo ng mga tauhan at stakeholders. Gayunman, aminado siyang nananatili pa rin ang hamon sa pagbili ng boto at voters education.